Dengue at TB mas nakakatakot kaysa COVID

Dengue at TB mas nakakatakot kaysa COVID

MAS nababahala ang lokal na pamahalaan ng Cebu sa pagtaas ng kaso ng Dengue at Tuberculosis kaysa sa coronavirus disease (COVID-19).

Unang iniulat ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na mas marami pang nagkakasakit ng Dengue kaysa COVID sa kanilang lalawigan. Sa ulat ng kanilang Provincial Health Center, nasa 1,510 na tinamaan ng Dengue mula Marso 23 hanggang Hunyo 11 haban g may 724 pasyente ng TB sa parehong period.

May 340 kaso naman ng COVID sa parehong period sa naturang lalawigan. Sinabi ni Garcia na mas malaki ang tsansa na masawi sa Dengue at TB kaysa sa COVID sa lalawigan.

Tiniyak naman ng Department of Health (DOH) na binibigyan rin nila ng sapat na atensyon ito. Sinabi ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na hindi naman tumitigil ang kagawaran sa mga programa sa ibang mga sakit kahit na nakatutok sila sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa Dengue, pinag-uusapan na umano nila ang mga ginagawang hakbang habang sa TB ay naglabas na sila ng Department Memorandum 2020-0128 para siguraduhin ang pagbibigay ng serbisyo ng National TB Controlled Program.

“Patuloy na screening at pagsasagawa ng home based treatment, pagbibigay ng one month supply ng gamot at deployment ng mga sputum transport riders para maghatid ng specimen sa mga rural health units, health centers, mga pagamutan at laboratoryo,” ayon kay Vergeire.

Sa datos ng DOH mula Enero 1 hanggang Mayo 30, may kabuuang 50,169 kaso na ng Dengue sa bansa kung saan nasa 173 na ang nasawi. Pinakamataas dito sa Region 7 na may 8,807 kaso at 33 na ang nasasawi.

Leave a Reply

%d bloggers like this: