Lapid sa Telcos: ‘Broadband connection, palakasin’

Lapid sa Telcos: ‘Broadband connection, palakasin’

Nais ni Senador Lito Lapid na magkaroon ng broadband internet connection sa lahat ng ‘unserved at underserved’ cities, municipalities at barangays sa bansa.

Sa kanyang Senate Bill 1598 o ang proposed “Last Mile Broadband Internet Connection Act,” binigyang-diin ni Lapid na napakahalaga ng internet sa modern world partikular sa pamamahagi ng impormasyon at komunikasyon.

Binigyang-diin ni Lapid na sa panahon ngayon ay bahagi na ng social at economic life ang internet at iba pang teknolohiya.

Ilan anya sa mga bahagi ng digital transformation phenomenon ang Telehealth, online education, digital commerce at trading at financial technology o ang tinatawag na “fintech”.

Subalit, sa kasamaang palad anya marami sa Pinoy ang hindi makasabay sa digital age dahil problema pa rin ang mabilis na internet connection at para sa mahihirap, ang pagkakaroon ng internet ay isang bagay na hindi kasama sa kanilang prayoridad lalo sa maliit nilang kinikita.

Problema din anya ang koneksyon sa internet sa malalayong lugar o isolated areas.

“Kaya gusto nating tugunan ang problemang ito sa pamamagitan ng pagsulong na makapagtayo ng pasilidad para sa broadband internet connection sa mga lugar na pinaka-kailangan ito,” saad ni Lapid.

“Oras na maisabatas ang panukalang ito, inaasahan natin na walang komunidad ang maiiwan pagdating sa internet connectivity. Lalo sa panahon ngayon na hindi na lamang luho ang internet kung isang mahalagang pangangailangan para sa trabaho at edukasyon,” diin ni Lapid.

Leave a Reply

%d bloggers like this: