Phase-out sa Pinoy jeep, itutuloy?

Phase-out sa Pinoy jeep, itutuloy?

TILA wala pang nakikitang pag-asa na makakabiyahe ang mga tradisyunal na Pinoy jeepney makaraang gawing prayoridad ng pamahalaan ang mga modern jeepney na bumiyahe na nitong Lunes sa ilang lansangan sa Metro Manila.

Sinabi ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, tatlong buwan ng hindi nakakabiyahe ang mga jeepney at UV Express drivers na karamihan ay namamalimos na.

“At least 75,000 jeepney drivers stand to lose their routes in Metro Manila alone as modern PUVs control key thoroughfares starting today, June 22”, pahayag ni Brosas.

Nitong Hunyo 22 ay pinahintulutan na ng Inter Agency Task Force (IATF) Against Infectious Disease sa rekomendasyon ng Department of Transportation na umarangkada na ang mga modern jeepney.

“Huwag na tayong maglokohan. Modus itong public transport policy na ito dahil ginagamit lang ang pandemya para ipatupad ang PUV modernization program na dati pa nilang gustong ipatupad. Huwag nang gamitin ang health alibi para gutumin pa lalo ang mga tsuper ng dyip, na karamihan ngayon nga ay namamalimos na,” ayon kay Brosas.

Hindi rin umano pabor sa mga pasahero ang ginagawa ng pamahalan dahil sa mas mahal ang pamasahe ng mga air-conditioned modern jeepney na hindi naman mukhang mga jeep.

Iginiit ng mambabatas na mga dayuhang manufacturers ng modern jeepney lang ang pakikitain ng pamahalaan at mga lokal na distributor habang gutom ang aabutin ng mga datihan nang jeepney drivers at kanilang pamilya.

Leave a Reply

%d bloggers like this: