41 COVID patients sa Las Pinas, gumaling

41 COVID patients sa Las Pinas, gumaling

UMABOT sa 41 pang pasyente ng coronavirus disease (COVID-19 sa Las Piñas City ang tuluyang gumaling sa naturang virus, ayon sa City Health Department kahapon.

Sinabi ni Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar na ito ang pinakamalaking bilang ng recovered cases sa siyudad na bunsod umano ng walang-tigil na pagbibigay ng atensyong medikal ng lokal na pamahalaan.

Sa kabuuan, umaabot na sa 275 ang bilang ng pasyenteng nakarekober sa COVID-19 sa Las Piñas.

“Tuluy-tuloy ang ating lokal na pamahalaan sa kanyang mga hakbang na tugunan ang mga COVID cases at mapigilan ang pagkalat ng virus sa lungsod,” ani Aguilar.

Nakatulong umano sa paggaling ng mga pasyetne ang inilatag na mga health protocols kabilang ang paglalagay ng mga converted isolation facilities kaya agad naihihiwalay ang mga nagpositibo at mga nagpakita ng sintomas ng sakit.

Agad silang binibigyan ng masusutansiyang pagkain, gamot, at wastong pangangalaga habang nakaquarantine, paglilipat sa tertiary hospital kung may iba pang sakit ang pasyente at ang tuluy-tuloy na Expanded Targeted Testing na isinasagawa sa lungsod.

Nasa 428 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan 275 ang gumaling at 33 ang nasawi. Kasalukuyang nasa 120 ang nananatiling aktibong kaso, may 45 na probable at 43 suspected cases.

Patuloy aniya ang lokal ng pamahalaan sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng mga pasyente na nakaquarantine sa isolation facility sa LIGTAS for COVID Center sa Las Piñas sa Barangay Daniel Fajardo at handa na rin ang LIGTAS for COVID Center na nasa Golden Acres Subdivision, Barangay Talon Uno.

Nagpapatuloy din ang isinasagawang rapid at swab testings sa mga suspected COVID cases sa lungsod upang matiyak ang seguridad sa kalusugan ng mga Las Piñeros sa panahon ng krisis. Kabilang sa mga sumalang na sa testings ang mga health care workers, mga kawani ng city hall, BJMP personnel,mga tauhan ng Las Piñas City Police,barangay workers, mga guro,iba pang frontliners,pedicab at tricycle drivers sa lungsod.

Kahapon, June 22,2020, naitala rin ang paggaling ng 18 pasyente sa naturang sakit.

Pinalakas din ng Las Piñas City Police ang police visibility nito sa mga istratihikong lugar at 24-oras na pagpapatrulya upang tiyaking nasusunod ng mga residente ang health protocols kabilang ang pagsusuot ng face mask,physical distancing at curfew hours mula sa 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw.

Leave a Reply

%d bloggers like this: