Gurong nagbanta kay PRRD, abswelto

Gurong nagbanta kay PRRD, abswelto

MALAYA na ang guro na nag-alok ng P50 milyon para sa sinumang makakapatay kay PangulongRodrigo Duterte makaraang ibasura ng isang huwes ng Olongapo Regional Trial Court ang kasong inciting to sedition dahil sa iligal na pag-aresto ng mga awtoridad.

Inaprubahan ni Olongapo RTC Judge Richard Paredez ang isinumiteng ‘motion to quash’ ng kampo ng akusadong si Ronnel Mas at agad na ipinag-utos ang agarang pagpapa-dismis sa kasong ‘inciting to sedition’.

Ayon sa huwes, iligal ang ginawang pag-aresto kay Mas ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng walang warrant of arrest anim na araw makaraan ang kontrobersyal na tweet ni Mas, kahit na wala silang personal na impormasyon na may ginawang paglabag sa batas ang guro.

Sa ilalim ng Rule 113 ng Rules of Court, maaari lamang arestuhin ang isang indibidwal ng walang warrang of arrest sa tatlong pagkakataon: kung nahuli sa akto ang suspek na may ginagawang krimen; sa isang ‘hot pursuit’ o kung may personal na kaalaman ang mga awtoridad na may naganap na krimen; at sa kaso ng tumakas na bilanggo.

Dahil sa iligal ang pag-aresto, wala rin umanong hurisdiksyon ang korte sa akusado.

Unang ikinatwiran ng NBI na inaresto nila si Mas ng walang warrant of arrest sa ilalim ng isang ‘hot pursuit operation’ noong Mayo 11. Ngunit maging si Assistant State Prosecutor Jeanette Dacpano ay sinabing hindi sakop ng warrantless arrest ang pagdakip kay Mas pero naremedyuhan umano ito nang aminin ni Mas ang kaniyang pagkakasala sa media at paghingi ng tawad sa Pangulo.

Ibinasura rin korte ang pag-amin ni Mas dahil sa labag rin ito sa karapatan ng akusado na magkaroon muna ng abogado habang isinasailalim siya sa imbestigasyon.

Leave a Reply

%d bloggers like this: