Naglipanang pekeng PWD IDs, pinaiimbestigahan

Naglipanang pekeng PWD IDs, pinaiimbestigahan

PINAIIMBESTIGAHAN ni Senador Sonny Angara ang mga dumaraming pekeng identification cards ng mga persons with disabilities (PWD) kasunod ng mga ulat na marami ang pag-abusong nangyayari.

Sinabi ni Angara na kailangang i-review ang proseso sa pagpapalabas ng PWD ID cards makaraang mapaulat na dumarami ang nabibigyan ng ID na hindi naman kailangan.

Sa kanyang Senate Resolution No. 455, sinabi ni Angara na hindi na bago ang sinasabing nagkalat na pekeng PWD ID cards subalit nakaalarma anya ang viral photo ng isang buong pamilya na lahat ay may PWD cards.

Binigyang-diin ni Angara na dapat higpitan ang pag-iisyu ng ID upang makatiyak na pawang lehitimong PWD ang makakakuha ng benepisyo sa ilalim ng batas.

Batay sa patakaran ng National Council on Disability Affairs (NCDA), ang PWD ID card ay iniisyu sa bonafide PWD na may permanent disabilities dahil sa psychosocial, chronic illness, learning, mental, visual, orthopedic, speech o hearing conditions.

Alinsunod sa batas, ang mga lokal na pamahalaan ang namamahala sa registration at pagpapalabas ng PWD ID cards.

Mariing sinabi ng senador na hindi dapat kunsintihin ang mga pag-abuso sa mga benepisyo at pribilehiyo sa ilalim ng batas.

Leave a Reply

%d bloggers like this: