Poe: Mga guro, dapat may internet allowance

Poe: Mga guro, dapat may internet allowance

HINIMOK ni Senador Grace Poe ang gobyerno na bigyan ng internet allowance ang mga guro para sa online learning ngayong school year 2020-2021.

Sa kanyang Senate Resolution No. 456, iginiit ni Poe na upang hindi na madagdagan ang gastusin, dapat pagkalooban ng gobyerno ng allowance ang mga pampublikong guro sa elementarya at sekondarya sa panahon ng online classes.

Sinabi ni Poe na ang P3,500 one-time cash assistance sa mga guro na dating chalk allowance ay hindi sasapat para sa stable internet connectivity.

“Kung dati, chalk ang binibili ng ating mga guro, ngayon, load na. ‘Di hamak na mas mahal ‘yun,” diin ni Poe.

Inirekomenda rin ni Poe na makipag-ugnayan ang DepEd sa mga kaukulang tanggapan upang magkaroon ng diskwento sa internet load ang mga guro.

Sinabi ni Poe na batay sa panukala ng isang teacher’s group, maaring bigyan ng P1,500 kada buwan na internet allowance ang mga guro na nangangahulugan na kakailanganin ng DepEd ng P12.855 billion para sa 10 buwan.

Leave a Reply

%d bloggers like this: