SA kulungan bumagsak ang nasa 20 miyembro ng isang LGBT community nang arestuhin nitong Biyernes ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) nang magsagawa ng kilos-protesta sa Mendiola.
Nasa kustodiya ng MPD-General Assignment Section ang mga miyembro ng grupong Pride March Protesters sa pangunguna ni Rey Valmires Salinas.
Nabatid na alas-11:40 ng umaga nang magkagirian ang mga tauhan ng MPD at mga demonstrador sa may Mendiola. Nagpo-protesta ang grupo ng LGBT laban sa Anti-Terrorism Bill.
Sinabi ni MPD-GAS chief, PCapt. Arnold Echalar na nag-umpisa ang komosyon nang isa sa mga demonstrador ang umano’y nagwisik ng likido sa isa sa mga pulis. Isa na umano itong uri ng ‘assault’ kaya minabuting i-disperse ang rally at arestuhin ang mga sangkot.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Bayanihan Heal as One Act ang grupo kaugnay sa probisyon may kinalaman sa pagbabawal ng mass gathering.