Maynila mas umunlad pa kahit may pandemya- Mayor Isko

Maynila mas umunlad pa kahit may pandemya- Mayor Isko

KAHIT na may pandemya sa COVID-19, mas lumago pa umano ang ekonomiya at pagnenegosyo sa lungsod ng Maynila, ayon kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa kaniyang State of the City Address (SOCA) nitong Huwebes.

Sa kabila nito, sinabi ni Domagoso nakatakdang maramdaman ang epekto ng tatlong buwang lockdown sa mga susunod na buwan lalo na sa Disyembre. Ngunit handa umano ang Maynila makaraang lumago pa ang kita ng lungsod sa P12.441 bilyon mula Hulyo 2019 hanggang Mayo 2020 kahit na may tax amnesty silang ipinatupad.  

Mas marami rin umanong negosyo ang nagbukas sa lungsod kahit na may pandemya nang 8,665 bagong negosyo ang nagparehistro at nasa 51,022 ang nag-renew ng kanilang mga permits.

Ipinagmalaki rin ng alkalde ang kampanya niya sa kalinisan upang hindi na sabihan na “dugyot” ang Maynila.  Umaabot umano sa 217 kilometro na ang haba ng kalsada ang dinaanan ng kanilang ‘flushing operations’ sa loob ng 311 araw.

Umaabot naman sa 566,904 tonelada ng basura ang nahakot ng Department of Public Service (DPS) na may katumbas na 112,981 trak.  Nasa 1,119 tonelada ang nahakot buhat sa Manila Bay.

Dahil dito, patuloy na nanawagan si Domagoso sa mga Manilenyo ng ibayong disiplina at tigilan na ang pagtatapon ng mga basura sa dagat, ilog at mga estero.

Sa kriminalidad, nasa 898 wanted persons ang nadakip ng Manila Police District.  Nasa 173 sa kanila ay mga Most Wanted at 25 ang nadakip ng pulisya habang nasa lockdown ang Maynila.

Aabot rin sa P96 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska, P2.9 milyong marijuana, at P277,529 illegal gambling paraphernalia.

Sinabi ni Domagoso na plano niyang abutin ang antas ng Singapore kahit na masyadong mataas na pangarap.  Inumpisahan umano niya ito sa pagpapatayo ng Tondominium 1 at 2 na housing project sa Tondo para sa mahihirap, renobasyon ng Manila Zoo at Bagong Ospital ng Maynila.

Pasisiglahin rin niya ang mga proyekto sa imprastruktura sa ilalim ng “Build, Build, Build Manila” sa rehabilitasyon ng mga heritage sites at paglalagay ng mas maraming “green spaces”.

Leave a Reply

%d bloggers like this: