Curfew sa Caloocan, pinaikli na

Curfew sa Caloocan, pinaikli na

Inaprubahan na ni Mayor Oca Malapitan ang ordinansa na nagpapaikli sa ipinatutupad na curfew hours sa lungsod habang patuloy na umiiral ang General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila bunsod ng COVID 19 pandemic.

Alinsunod sa Ordinance No. 0876 na isinulong nina Councilors Enteng Malapitan at Rose Mercado na sinang-ayunan ng iba pang konsehal ng lungsod, ang bagong curfew hours ay mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw mula sa dating alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw.

Ipinaliwanag sa ordinansa na marami na ang mga manggagawa ang balik na sa kanilang trabaho subalit limitado pa rin ng pampublikong sasakyan kaya’t marami sa mga empleyado ang nananatili sa mga kalsada nang mas mahabang oras.

Bukod dito, binigyan na rin ng go signal ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases ang dine-in sa mga restaurant. Ngunit dahil sa limitadong kapasidad lamang ang pinapayagan, maraming customer ang inaabutan din ng curfew sa kanilang pagpila.

Nakasaad pa sa ordinansa na pratikal lamang at rasonable ang pagpapaikli ng curfew hours para sa kapakanan ng mga residente sa lungsod.

Ipinaliwanag naman ni Mayor Oca na dapat pa rin manatili sa kanilang mga tahanan ang mga nasa edad 21 pababa, mga senior citizen edad 60 pataas na hindi kabilang sa essential workforce, mga maysakit at mga buntis.

“Sa kabila ng pagpapaikli sa oras ng ating curfew, patuloy ang ating paalala sa pagsunod sa health protocols tulad ng pagpapanatili ng social distancing, pagsuot ng face mask at palagiang paghuhugas ng kamay o paggamit ng alcohol,” pahayag ni Mayor Oca.

Leave a Reply

%d bloggers like this: