COVID sa Pinas maaaring umakyat sa 95K sa Agosto

COVID sa Pinas maaaring umakyat sa 95K sa Agosto

DAHIL sa pagluluwag ng restriksyon sa publiko, maaaring umabot ng higit sa 95,000 ang kaso ng coronavirus disease sa katapusan ng buwan ng Agosto sa Pilipinas, ayon sa pag-aaral ng University of the Philippines-COVID-19 Pandemic Response Team.

Sa prediksyon ng UP, maaaring maglaro mula 61,332 hanggang 95,590 ang mga kaso sa Agosto 31 kung saan ang nasa gitna nito o ‘cumulative count’ ay nasa 78,641.

Ibinase ang mga numero sa nabuong ‘projection model’ ng UP Los Baños Biomathematics Team. Nasa ‘medium risk’ umano ang numero para sa mga lokal na pamahalaan na nagpapatupad ng katamtaman na populasyon, at nagpapatupad ng physical distancing.

Una nang nagbigay ng prediksyon ang UP na aabot sa 40,000 ang kaso ng COVID sa pagtatapos ng Abril. Bagama’t umabot sa 37,500 ang kaso, hindi pa kasama dito ang backlogs ng Department of Health (DOH).

Bilang tugon ng DOH, sinabi ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mas pinapalakas nila ngayon ang kampanya para magkaroon ng ‘behavioral change’ ang publiko o maging kaakibat na ng kanilang buhay ang ibayong kalinisan at pag-iingat na mahawa sa virus.

Ini-engganyo na rin ng DOH na magpatupad ang mga lokal na pamahalaan ng ‘selective lockdown’ sa mga lugar na may malaking pagtaas ng kaso sa kanilang lokalidad.

Leave a Reply

%d bloggers like this: