MRT-3, tigil operasyon muna

MRT-3, tigil operasyon muna

DAHIL sa patuloy na pagdami ng mga tauhang nagpopositibo sa COVID 19, pansamantalang titigil ang operasyon ng Metro Rail Transit (MRT) line 3, simula bukas, July 7, 2020.

Ito ang napagdesisyunan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) upang bigyang-daan ang RT-PCR (swab) testing sa lahat ng MRT-3 personnel, kabilang ang mga maintenance provider at subcontractors, upang maiwasan ang pagkalat pa ng virus at maprotektahan ang kalusugan ng mga tauhan at pasahero.

Sa inisyal na plano tatagal ang temporary shutdown sa loob ng limang araw o hanggang July 11, 2020 o hanggang makumpleto na ang sapat na bilang ng mga tauhang negatibo sa virus.

Nangangahulugan ito na ang pagpapalawig o pagpapaikli ng pagtigil ng operasyon ay depende sa resulta ng mga pagsusuri.

Isasagawa ang RT-PCR testing ng mga tauhan ng MRT-3 ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Palacio de Manila swabbing center katuwang ang Philippine Red Cross.

Ang mga positibo sa virus ay direktang dadalhin sa government quarantine facility habang ang mga negatibo ay magiging bahagi ng grupo na magpapatuloy ng operasyon.

Sa 3,200 workforce ng MRT, kinakailangan ng 1,300 na tauhan upang makapagsagawa ng limitadong operasyon.

Sa pinakahuling ulat, umakyat na sa 186 na tauhan ng MRT ang nagpositibo sa COVID 19 virus.

Leave a Reply

%d bloggers like this: