COVID survivors dapat mag-donate ng blood plasma

COVID survivors dapat mag-donate ng blood plasma

KINAKAPOS na ang Philippine General Hospital (PGH) sa convalescent blood plasma kaya nanawagan ang mga doktor sa mga pasyente na nakaligtas sa COVID-19 na magdonate ng kanilang blood plasma para ipanggamot sa mga pasyenteng nahawa ng virus.

Gagamitin ang convalescent blood plasma sa isinasagawang ‘clinical trial’ ng PGH nakaraan ang mga unang resulta na nakatulong ito na agad na mapagaling ang mga pasyente. Karamihan umano sa 30 pasyente na malubha at kritikal ang kaso ay nagpakita ng pagsigla ng kalusugan makaraang mabigyan ng blood plasma.

“Unfortunately, wala na po kaming convalescent plasma kasi wala na pong nagdo-donate. So nananawagan po kami,” ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario.

Sinabi ni del Rosario na sa dami ng mga survivors ng COVID-19, magiging malaking tulong kung karamihan sa kanila ay mag-donate ng kanilang blood plasma para tuluyang matuldukan ang pagkalat pa ng virus.

Tiniyak niya na hindi naman sa ospital kukunan ang mga survivors ng blood plasma ngunti sa isang pribadong lugar para hindi sila muling mahawa.

Kung mas maaga umanong maibibigay ang blood plasma sa mga pasyente na may mild cases ay hindi na aabot sa mas malubha o kritikal na kundisyon ang mga pasyente.

Sa mga COVID survivors na nais mag-donate ng blood plasma, sinabi ni del Rosario na maaari silang makipag-ugnayan sa PGH Hotline 155-200.

Leave a Reply

%d bloggers like this: