Mga empleyado ng ABS-CBN, pinaghahanap ng ibang trabaho

Mga empleyado ng ABS-CBN, pinaghahanap ng ibang trabaho

SA GITNA ng pagsasabing hindi siya personal na apektado sa pagsasara ng ABS-CBN network, pinagsabihan ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang 11,000 empleyado nito na maghanap na lamang ng ibang trabaho.

Sinabi ni dela Rosa na upang mabuhay ang pamilya ng mga empleyado ay kinakailangan nilang makakuha ng ibang hanapbuhay.

“Hanap ng ibang trabaho para mabuhay, magsumikap. May ibang paraan pa naman siguro para mabuhay tayo hanggat may ibang jobs. Alangan namang sabihin ko sa kanila na maghimagsik kayo, magwala kayo,” saad ni dela Rosa.

Naniniwala rin si dela Rosa na ang kautusan ng pagpapasara sa network ay posibleng manghikayat din ng ibang investor dahil makikitang walang pinipili ang gobyerno sa pagpapatupad ng batas, maliit man o malaki.

“Kumbaga dapat the government should have complete control in the country. Dapat ang government talaga walang kinikilala, maliit o malaki, mayaman o mahirap, kung batas ay batas talaga dapat masusunod. Walang exemption para pantay-pantay tayo lahat,” diin pa ni dela Rosa.

Kasabay nito, sinabi ni dela Rosa na umaasa siyang boboto ang mga kongresista kaugnay sa prangkisa ng ABS-CBN batay sa dikta ng kanilang konsensya

Samantala, umapela si Senate Majority Migz Zubiri sa mga counterpart sa Kamara na sa halip na patayin ang prangkisa ng network ay magpatupad na lamang ng reporma.

Sinabi ni Zubiri na nalulungkot siya para sa mga empleyado ng ABS-CBN dahil tiyak na maaapektuhan ang kabuhay ng buong pamilya ng mga ito gayundin sa milyung-milyong manonood dahil mawawalan na sila ng paglilibangan.

Partikular anya ito sa mga lalawigan na ang naturang network lamang ang nakakaabot ang signal at inihalimbawa niya ang Bukidnon kung saan ilang barangay ang anya’y tila nasa ilalim ng news and entertainment blackout dahil ABS-CBN lamang ang nakaabot sa kanila.

Leave a Reply

%d bloggers like this: