COVID airborne pala!

COVID airborne pala!

MATAPOS ang matagal na pagtanggi, inamin na rin ng World Health Organization (WHO) na airborne o nakakapanatili sa hangin ang coronavirus (COVID-19) lalo na kung nasa loob ng mga saradong establisimiyento.

Dahil dito, maaaring mas mabilis na makahawa ang virus dahil sa paglanghap ng hangin ng mga taong magkakasama sa loob ng isang saradong gusali.

Ngunit inilarawan rin ng WHO na ang naturang uri ng transmisyon ay bihira. Ito ay sa kabila ng maraming naglalabasang siyentipikong ebidensya ukol ‘airborne’ na kakayahan ng virus kaya nasa 200 siyentipiko ang nanawagan sa WHO na pag-aralan ang mga pananaliksik.

Bukod dito, inamin rin ng WHO na maaaring makahawa ang mga taong may taglay na virus ngunit walang sintomas. Ito ay kabaligtaran sa una nilang pahayg na napakadalang itong mangyari.

Ayon pa sa WHO, ang ‘respiratory droplets’ na tinatawag rin na aerosol ay maaaring manatili sa hangin mula sa pagsigaw, pagkanta o pagsasalita ng tao sa loob ng mga restoran, nightclubs at maging simbahan. Dahil dito, inirekomenda nito sa publiko na iwasan ang matataong lugar lalo na sa mga pook na sarado.

Unang sinabi ng ahensya na nagkakaroon lamang ng pagkalat ng aerosol sa loob ng mga pagamutan kapag nagkaroon ng medical procedure sa isang pasyenteng may taglay ng virus.

Sa ‘outdoor’ o sa labas ng bahay o gusali, ang virus na napupunta sa hangin ay mabilis rin umanong nalulusaw kaya masyadong mababa na makapanghawa.

Kasunod nito, muling ipinaalala naman ng Department of Health (DOH) ang palagiang pagsusuot ng face masks, face shields, at physical distancing. Maaari umanong mapababa ang hawahan ng 85% kung magsusuot ng face masks at shields at 80% naman kung ipinapatupad ang physical distancing.

Leave a Reply

%d bloggers like this: