Higit 4K pasyente gumaling, COVID sa Pinas higit 57K na

Higit 4K pasyente gumaling, COVID sa Pinas higit 57K na

NAKAPAGTALA ng pinakamataas na bilang ng gumaling sa COVID-19 ang Department of Health sa higit apat na libo habang umabot na sa 57,006 ang kabuuang kaso ng coronavirus disease sa Pilipinas base sa pinakahuling datos nitong Lunes ng hapon.

Sa Case Bulletin No. 121, may nadagdag na 836 bagong positibong kaso na resulta ng tests na isinagawa ng 57 sa 82 na nag-ooperate na laboratoryo sa bansa.

Nasa 35,036 ang nananatiling mga aktibong kaso kung saan 92.2 porsyento nito ay mga mild cases, 7.1% ang asymptomatic, 0.4% ang malubha at 0.3% ang kritikal.

Umakyat naman sa 20,371 ang ang kabuuang recoveries nang madagdag ang 4,325 na pasyenteng gumaling na siyang pinakamataas na naitala sa bansa.

Sa kabila nito, 65 naman ang nadagdag sa mga nasawing pasyente para umakyat sa 1,599 ang death toll. Sa naturang bilang, siyam dito ang nasawi nitong Hulyo, 54 noon pang Hunyo at dalawa nitong Mayo.

Una nang hindi nakapagpalabas ng datos ang DOH nitong Linggo at nailabas lamang nila nitong Lunes ng umaga. Sa naturang naantalang case bulletin para nitong Hulyo 12, nasa 2,124 bagong kaso ng COVID ang nadagdag, nasa 2,009 ang bagong recoveries at 162 ang binawian ng buhay.

Leave a Reply

%d bloggers like this: