Hearing sa petisyon ng ABS-CBN sa pagpapasara ng NTC, tuloy

Hearing sa petisyon ng ABS-CBN sa pagpapasara ng NTC, tuloy

SA kabila na ibinasura na ng Kongreso ang aplikasyon para sa bagong prangkisa, nakatakda pa ring dinggin ng Supreme Court sa darating na Agosto ang petisyon na isinampa ng ABS-CBN Corp. laban sa inilabas na ‘cease and desist order’ ng National Telecommunications Commission (NTC) na nagpapahinto sa kanilang broadcast operation.

Sinabi ni SC spokesman Brian Keith Hosaka na kinumpirma ito ni Chief Justice Diosdado Peralta na itinakda ang deliberasyon sa petisyon sa Agosto 4.

Sa petisyon, kinukuwestiyon ng ABS-CBN ang ‘cease and desist order’ ng NTC makaraang mapaso ang kanilang prangkisa noong Mayo 4. Ito ay makaraang mangako ng NTC na hahayaan nila na makapag-operate pa rin ang network hanggang sa maresolba ng Kongreso ang aplikasyon para sa bagong prangkisa na base sa suhestiyon ng Department of Justice (DOJ).

Ngunit makaraan ang botohan ng House franchise committee, napagdesisyunan ng mga mambabatas na tanggihan ang renewal ng aplikasyon sa prangkisa ng network.

Kasalukuyan na isinusulong ng mga tagasuporta ng network ang ‘people’s initiative’ para mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN sa pamamagitan ng pagkalap ng lagda ng tatlong porsyento ng mga nakarehistrong botante sa bansa.

Sinabi naman ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez na ‘speculative’ o wala pang katiyakan ang petisyon para sa ‘people’s initiative’ dahil sa hindi pa batid kung talagang isusulong ito ng mga nasa likod at kung ito ang tamang aksyon.

Leave a Reply

%d bloggers like this: