House to house search sa COVID 19 patients, ilulunsad ng DILG

House to house search sa COVID 19 patients, ilulunsad ng DILG

KINUMPIRMA ni DILG Secretary Eduardo Año na magsasagawa sila ng house to house search kasama ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) upang hanapin ang mga COVID 19 patient at ilipat sa government quarantine facility sa halip na manatili sa kanilang mga bahay.

Iginiit ng opisyal na hindi dapat manatili sa ilalim ng home quarantine ang mga may mild symptoms o asymtomatic COVID 19 patients kung wala silang sariling kwarto, sariling banyo at kung may ibang taong posibleng mahawa sa kanila.

“Ayaw na po natin mag-home quarantine ang mga positive natin kung wala naman po talagang kapasidad ‘yung kanilang bahay,” saad ni Año sa press briefing sa Taguig City.

“Kaya ang gagawin natin, sa tulong ng LGUs (local government units) at PNP (Philippine National Police) ay ibabahay-bahay po natin ‘yan at dadalhin natin ang mga positive sa ating COVID isolation facilities,” dagdag ng opisyal.

Nanawagan din ang DILG Secretary sa publiko na agad ipaalam sa mga awtoridad kung may nalalaman silang COVID 19 case sa kanilang lugar upang maagapan ang pagkalat ng virus.

“Ilalagay niyo sa panganib ang buhay ng ating mga kababayan kaya hinihikayat po namin ang lahat, mas madali pong gagaling, 14 days lang kayo quarantine, may libreng pagkain pa,” diin pa ng kalihim.

Kasabay nito, inanunsyo ni Vince Dizon, chief testing czar na ang house to house search ay magiging bahagi ng Oplan Kalinga ng Inter-Agency Task Force (IATF) at National Task Force (NTF) laban sa COVID-.

Sinabi ni Dizon na sinimulan na nila ito sa Navotas at Malaban kung saan 50 pasyente ang dinala nila sa government facilities.

“Ang National Task Force ay maga-announce ng isang programa today na tinatawag nating Oplan Kalinga. At ito po ay base na rin sa aming konsultasyon sa iba’t ibang mayors ng NCR (National Capital Region),” diin ni Dizon.

Leave a Reply

%d bloggers like this: