Medical Scholarship, 14th Month Pay bills, prayoridad ng Senado

Medical Scholarship, 14th Month Pay bills, prayoridad ng Senado

PRAYORIDAD ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang limang panukala na maisulong sa pagpasok ng 2nd regular session ng 18th Congress na magsisimula sa July 27.

Ayon kay Sotto, numero uno sa kanyang priority list ang proposed Medical Scholarship Act (Senate Bill No. 1) na sumalang na sa plenary deliberations bago pa mag-adjourned ang Kongreso noong Hunyo.

Alinsunod sa panukala, bibigyan ng scholarships ang mga deserving medical students upang masolusyunan ang kakulangan ng mga manggagamot sa bansa.

Sinabi ni Sotto na sa pamamagitan nito, mahihikayat ang mga mahihirap na estudyante na kumuha ng medisina upang kalaunan ay madagdagan ang mga doktor na magseserbisyo sa mga Filipino.

Nakasaad sa panukala na obligado ang medical scholars na magsilbi muna sa bansa sa loob ng limang taon bago payagang makapagtrabaho sa ibayong dagat.

Dalawa sa limang taon na ito ay iuukol dapat sa governmennt hospital o anumang tanggapan kung saan nakatira ang scholar.

Binigyang-diin ng lider ng Senado na napatunayan sa COVID 19 pandemic ang kakulangan sa healthcare system dahil na rin sa kapos na bilang ng health professionals.

Bukod sa Medical Scholarship Bill, kasama rin sa top 5 list ni Sotto ang Presidential Drug Enforcement Authority Act, Hybrid Election Act, Anti-False Content Act at ang 14th Month Pay law.

Layun ng Presidential Drug Enforcement Authority Act (SBN 3) na mapalakas ang kampanya ng gobyerno laban sa droga sa pagsasailalim sa isang ahensya ng enforcement, prosecution, prevention at rehabilitation.

Nakasaad naman sa Hybrid Election Act (SBN 7) ang pagkakaroon ng manual voting at counting sa precinct level at electronic transmission and canvassing para sa credible, accurate at transparent elections.

Isinusulong naman ni Sotto sa proposed Anti-False Content Act, or the Anti-Fake News bill (SBN 9) ang pagpapataw ng parusa sa paglalabas at pagpapakalat ng fake news habang iginigiit din ng senador ang pagbibigay prayoridad sa pagkakaloob ng dagdag na Christmas pay sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Leave a Reply

%d bloggers like this: