Pagsusuka at baradong ilong sintomas rin ng COVID-19

Pagsusuka at baradong ilong sintomas rin ng COVID-19

KUNG ikaw ay nakakaranas ng pagsusuka at baradong ilong dulot ng sipon, posibleng nahawa ka na rin ng COVID-19.

Ito ay makaraang idagdag ng US-based Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang ‘nausea’ o pagsusuka at ‘congestion/runny nose’ o baradong ilong sa mga sintomas ng coronavirus disease (COVID-19).

Dito umakyat na sa 11 ang nakikitang sintomas ng sakit ayon sa pag-aaral ng CDC. Ngunit iginiit ng ahensya na hindi pa ito ang lahat ng posibleng sintomas na idinudulot ng virus.

Ang siyam pang sintomas ay ang: “fever/chills” o lagnat at panginginig ng katawan; ubo; hirap o kapos sa paghinga; palagiang pagkaramdam ng pagod; pananakit ng laman; sakit ng ulo; pagkawala ng panlasa at pang-amoy; sore throat; at diarrhea o pagtatae.

Isa pang posibleng sintomas na impormal na tinatawag ng mga doktor na “COVID toes” ang pinag-aaralan. Ito ay ang pagkukulay ng ube ng paa o mga daliri sa paa ng pasyene.

Idinagdag pa ng CDC na ang mga sintomas ay maaaring lumabas may dalawang araw hanggang 14 na araw makaraan silang malantad sa carrier ng virus. Karamihan dito ay lumalabas ng apat hanggang limang araw at nararanasa sa loob ng isang buwan.

Sa kasalukuyan, may 150 posibleng gamot at 50 antivirals ang isinasailalim sa tests sa mga pasyente sa mundo. Kahit umano makalikha ng bakuna laban sa COVID, hindi lahat ng tao ay magiging epektibo ito kaya importante ang gamot.

Leave a Reply

%d bloggers like this: