Tulong sa mga private school, muling iginiit

Tulong sa mga private school, muling iginiit

MULING nanawagan si Senador Win Gatchalian sa gobyerno na bigyang halaga ang pagbibigay suporta sa mga pribadong paaralan sa gitna ng patuloy na pagbagsak ng bilang ng mga nag-eenroll.

Batay sa datos na nakalap ng senador, sa mahigit apat na milyong private school students noong nakaraang school year, 24.3% lamang ang nag-enroll sa mga pribadong paaralan.

Sa 20.22 million na estudyante na nag-enroll sa basic education para sa school year 2020-2021, nasa 1.05 lamang ang pumasok sa mga pribadong paaralan.

Nilinaw naman ng Department of Education na patuloy pa ang enrollment sa ibang paaralan.

Ayon kay Gatchalian, dapat ipagpatuloy ang pagpapamahagi ng ayuda sa ilalim ng mga programang tulad ng Senior High School Voucher Program o SHS VP at ng Education Service Contracting (ESC).

Ito ay upang hindi maantala ang pag-aaral ng mga kabataan habang binibigyang tulong ng gobyerno ang mga pribadong paaralang apektado ng lockdown.

Ang mga benepisyaryo ng SHS VP ay mga kwalipikadong senior high school learners mula sa mga private o non-DepEd school na nakakatanggap ng mga vouchers bilang ayuda.

Sa pamamagitan naman ng ESC, ang mga mag-aaral na dapat sana ay papasok sa mga pampublikong junior high school ay binibigyan ng ayuda upang makapasok sa mga kwalipikado at pribadong junior high schools.

Binigyang-diin ni Gatchalian na dapat may sapat na pondo ang mga programang ito sa 2021 national budget upang hindi mabawasan ang mga benepisyaryo at maiwasan ang pagdami ng dropouts.

Upang manatili namang bukas ang mga pribadong paaralan, nanindigan din si Gatchalian na kailangang bigyan ang mga guro at kawani ng agarang tulong pinansyal.

Ayon sa senador, prayoridad ang pagpasa sa Bayanihan to Recover As One Act (Senate Bill No. 1564) o Bayanihan 2.

Sa ilalim ng panukalang batas, makakatanggap ng ayuda ang mga guro at kawani ng mga pribadong paaralan, pati na rin ang mga mag-aaral na nangangailangan ngunit hindi bahagi sa mga kasalukuyang programa ng pamahalaan.

Ayon pa kay Gatchalian, dapat makipagtulungan ang mga pribadong paaralan sa pamahalaan at iba pang mga sektor upang mahikayat magpa-enroll ang mga mag-aaral na nanganganib tumigil sa pag-aaral at masigurong walang estudyante ang maiiwan.

Leave a Reply

%d bloggers like this: