Paghahanda sa health emergencies, ituro sa mga estudyante

Paghahanda sa health emergencies, ituro sa mga estudyante

IPINASASAMA ni Senador Sonny Angara sa curriculum ng primary at secondary education ang mga usapin hinggil sa pandemics, epidemics at iba pang health emergencies.

Sinabi ni Angara na sa pagharap ng Pilipinas sa COVID 19 pandemic, nakita ang mga kakulangan at mga dapat na baguhin partikular sa pag-uugali ng mga Filipino.

Bagama’t patuloy ang pamahalaan sa pagpapaalala sa mga dapat gawin tulad ng pagsusuot ng face masks at social distancing, marami pa rin ang hindi sumusunod sa health protocols at nagiging dahilan pa ng pagkalat ng virus.

Naniniwala ang senador na kung sisimulan sa mga bata ang pagtuturo ng mga dapat at hindi dapat gawin ay magiging epektibo ang pagtugon ng bansa sa health emergency.

Binigyang-diin ng mambabatas na kung ituturo sa mga bata ang pandemics, epidemics at public health crises preparedness, maiimpluwensyahan din ang mga ito ng tamang pag-uugali upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Sa kanyang Senate Bill 1674, igiiit ni Angara na isama ang pandemics, epidemics at iba pang public health crises sa curriculum ng lahat ng primary at secondary schools, pampubliko man o pribado.

Alinsunod sa panukala, makikipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) sa Department of Health (DOH), maging sa National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at iba pang public o private institutions para sa pagbalangkas ng kinakailangang curriculum.

Leave a Reply

%d bloggers like this: