Barangay chairman na promotor ng tupada sa Tondo, inaresto

Barangay chairman na promotor ng tupada sa Tondo, inaresto

ISANG barangay chairman na sa halip dumisiplina sa mga nasasakupan ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) dahil sa pagpapasimuno uamno sa iligal na sabong o tupada sa kaniyang nasasakupan sa Tondo, Maynila nitong Linggo.

Kinilala ang inaresto na si Silvestre Dumagat Jr., chairman ng Barangay 125 Zone 10 sa Tondo. Lima pang kasabwat niya ang nadakip at nakilalang sina Wilfredo Marullano, Lito Siana, 50; Arnel King, 32; Daryl Ellorin, 30 at Daniel Custodio, 37.

Sa ulat, nagsagawa ng operasyon ang Raxabago Police Station sa kahabaan ng Simoun Street corner Patria bandang 12:30 ng tanghali noong Linggo kung saan nadakip sina Siana, King, Ellorin at Custodio at nakumpiska sa kanila ang dalawang manok na panabong at taya na aabot sa P500.

Muling nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya dakong alas-4:30 ng hapon sa parehong lugar kung saan dito na nadakip si Dumagat at ang katiwala niyang si Marullano. Nakumpiska sa kanila ang limang manok na tandang.

Sinabi ni Raxabago Police Station commander PLtCol Cristopher Navida na una silang nagsagawa ng operasyon laban sa tupada noong Abril 5 kung kailan pinakiusapan na niya ng personal ang barangay chairman na si Dumagat na ipatigil na ang iligal na sugal sa kaniyang nasasakupan. Sa kabila ng pakiusap, nagpatuloy pa rin ang tupada na nagdudulot rin ng panganib sa kalusugan ng publiko.

Nakatakdang sampahan sina Marullano at mga kasabwat sa paglabag sa City Ordinance No. 8627 (Mandatory use of facemasks), Republic Act 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act) at PD 1602 (Illegal Gambling) sa Manila City Prosecutors’ Office.

Leave a Reply

%d bloggers like this: