Inmate Jaybee Sebastian, kinumpirmang na-cremate na

Inmate Jaybee Sebastian, kinumpirmang na-cremate na

KINUMPIRMA ni Bureau of Corrections (BuCor) director general Gerald Bantag na na-cremate na nga ang kontrobersyal na inmate na si Jaybee Sebastian nang masawi dahil sa COVID-19.

Sinabi rin ni Bantag kahapon kay Justice Secretary Menardo Guevarra na may 21 “persons deprived of liberty (PDL)” ang mga kumpirmadong nasawi dahil sa virus sa mga bilangguang pinatatakbo nila kabilang ang New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.

Sa 45 kabuuang naitalang nasawi, 21 ang kumpirmado na dahil sa COVID-19 habang ang iba ay may mga posibilidad rin na dahil sa virus at sa iba pang dahilan mula pa noong buwan ng Marso.

Kahapon, nagtungo si Bantag sa Department of Justice (DOJ) at nakipagpulong kay Secretary Menardo Guevarra na nais na makakuha ng paliwanag sa pumutok na balita na siyam na ‘high-profile inmates’ na nakakulong sa Building 14 ng maximum security compound kabilang ang isang Jaybee Niño Sebastian ang nasawi dahil sa COVID-19.

Ipinaliwanag rin ni Bantag ang ipinatutupad nilang protocols kabilang ang mandatory na cremation sa bangkay ng nasawing inmate sa loob ng 12 oras para umano maiwasan ang pagkalat ng impeksyon. Inamin niya na na-cremate ang inmate na si Sebastian dahil sa naturang protocol.

Upang matanggal naman ang mga pagdududa sa pagkasawi ng siyam na inmates, sinabi ni Bantag na handa siyang magpasailalim sa anumang hiwalay na imbestigasyon. Nakatakda namang magpalabas ng Department Order ng DOJ para magsagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI).

Leave a Reply

%d bloggers like this: