Safety protocols para sa face to face classes, pinabubuo

Safety protocols para sa face to face classes, pinabubuo

HINILING ni Senador Joel Villanueva sa mga ahensya ng gobyerno na bumalangkas ng safety protocols para sa mga paaralan at training institutions makaraang paboran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang face-to-face classes sa piling lugar.

Inirekomenda ni Villanueva ang Department of Labor and Employment (DOLE) na makipagpulong sa Department of Education, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority upang mabawasan ang panganib ng transmission ng COVID-19 sa mga paaralan at training facilities na bubuksan na para sa klase.

“Bago po tuluyang payagan ang mga paaralan at training institutes na magpapasok ng mga estudyante, dapat pong magbalangkas ng mga panuntunan para sa kaligtasan ng mga guro at iba pang empleyado ng mga paaralan at training institutes,” pahayag ni Villanueva.

“Sa pagpapatupad ng mga safety protocol sa mga paaralan, gusto po natin bigyan ng kasiguruhan ang mga magulang na ligtas para sa kanilang mga anak ang pumasok sa mga eskwelahan,” idinagdag pa ng senador.

Ipinaliwanag ng chairman ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development na hindi sapat ang mga naunang regulasyon na inilabas ng DOLE at Department of Trade and Industry (DTI) noong Mayo para sa mga paaralan.

Mas makabubuti anyang maging katuwang ng DOLE sa pagbalangkas ng protocols ang mga education authority upang makatugon sa pangangailangan sa schools at training facilities.

“Umaasa po tayo sa DOLE na ito ang mangunguna sa pagbabalangkas ng mga panuntunan para sa kapakanan ng mga manggagagawa sa sektor ng edukasyon. Dapat pong maging malinaw ang ipapatupad na workers’ safety protocol sa mga paaralan at training facilities upang hindi na dumami pa ang kaso ng COVID-19,” sinabi pa ni Villanueva.

Leave a Reply

%d bloggers like this: