DOH, kinalampag sa mahal na gamot sa ilang ospital

DOH, kinalampag sa mahal na gamot sa ilang ospital

NANAWAGAN si Senador Bong Go sa Department of Health (DOH) na busisiin ang pag-abuso ng ibang ospital sa overcharging ng mga gamot sa gitna ng kinakaharap na krisis ng bansa dulot ng COVID 19 pandemic.

Ayon kay Go, nakatanggap sila ng impormasyon na may mga pagamutan na ipinapataw na lamang sa bill ng kanilang pasyente ang mataas na halaga ng gamot upang maobliga silang bayaran ito.

“May mga nababalitang ‘overcharging’ ng mga gamot sa mga ospital na isinasama nalang sa total bill ng mga pasyente. Walang choice ang pasyente kundi bayaran ito upang magamot at makauwi,” saad ni Go.

Iginiit pa ng senador na hindi dapat pumapayag ang publiko na pagsamantalahan ng iilan ang sitwasyon kung saan ang mga mahihirap ay namamatay nalang dahil hindi makabili ng gamot.

“Nabalitaan ko rin na mayroong iilang mga gamot na mahirap hanapin at hindi nabebenta o napapamahagi sa mga nangangailangan nito,” dagdag pa nito.

Nakakalungkot anya ang mga ganitong ulat dahil sa oras na dapat magdamayan at magmalasakit sa isa’t isa ay mayroon pang mga tao na pinipiling pagsamantalahan ang kanilang kapwa.

Iginiit din ni Go ang pagrebisa sa talaan ng mga gamot na pasok sa Maximum Drug Retail Price (MDRP) alinsunod sa Cheaper Medicines Act of 2008.

Dapat anyang palawigin ang talaan at isama ang mga gamot na ginagamot sa COVID-19 patients at iba pang kaugnay na karamdaman.

Leave a Reply

%d bloggers like this: