Lokal na industriya ng PPEs, suportahan

Lokal na industriya ng PPEs, suportahan

NANAWAGAN si Senador Imee Marcos para sa pagpapalakas sa lokal na industriya partikular sa produksyon ng lokal na personal protective equipment (PPEs) sa halip na umasa sa mga imported na medical supplies.

Sinabi ni Marcos na maisasakatuparan ang pagpapalakas sa local na industriya kung aalisin ang ilang buwis ng mga local manufacturer ng PPEs at pagpapanatili ng mga export incentives nito lalo pa’t ang gagawing supplies ay para sa local na merkado.

Alinsunod sa Senate Bill 1708 o ang proposed Healthcare Manufacturing and Pandemic Protection Act, hindi na kailangang magbayad ang mga local manufacturer ng buwis sa pag-import ng kanilang mga materyales at kagamitan, maging ng value-added tax at iba pang bayaring kinu-kolekta ng Bureau of Customs at Food and Drug Administration.

“Isang pangmatagalang solusyon ito para sa local na produksyon, para di na nga tayo aangkat ng mga PPE at iba pang medical supplies. Magbibigay trabaho pa ito sa sektor ng manufacturing at sagot sa hinaing ng ating mga healthcare worker sa kakulangan ng proteksyong medikal,” paliwanag ni Marcos.

Ayon pa kay Marcos, dapat bigyan ito agad ng pansin lalo pat patuloy na tumataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19.

“Sa panahon ng health emergency, dapat iprayoridad ng gobyerno ang mga local manufacturer na tugunan ang pangangailangan nito ng PPE at iba pang medical supplies. Pero dapat mapalakas muna ang kanilang kapasidad,” sinabi ni Marcos.

Hindi naman inaalisan ng insentibo ng panukalang batas ni Marcos ang mga export manufacturer kahit karamihan ng kanilang mga gawa ay mapupunta sa Department of Health at mga pribadong lokal na ospital tuwing panahon ng krisis.

“Ito’y magbibigay oportunidad pa sa mga malalaking industriya tulad ng garments industry na mapanatili ang trabaho ng kanilang mga empleyado at maaring mapalawak pa ito,” giit ni Marcos.

Una nang inirekomenda ni Marcos noong Marso sa komunidad ng mga mananahi sa Taytay, Cavite at Bataan na palitan muna ng PPE ang kanilang mga ginagawang export products dahil tumumal ang kanilang mga order bunsod ng lockdown.

Leave a Reply

%d bloggers like this: