Shop na namemeke ng COVID test results, ipinasara ni Mayor Malapitan

Shop na namemeke ng COVID test results, ipinasara ni Mayor Malapitan

TULUYANG ipinasara na ni Mayor Oca Malapitan ang printing shop kung saan may naiulat na pamemeke ng resulta ng Covid-19 test.

Ayon kay Caloocan Business Permit and Licensing Office (BPLO) head Atty. Emmanuel Vergara, kaagad iniutos ni Mayor Oca ang pagpapasara ng nasabing printing shop na matatagpuan sa Maligaya Park, Barangay 177, Caloocan na katabi lamang ng Maligaya Elementary School, Quezon City, matapos mapag-alaman din na wala itong business permit.

Tiniyak ni Malapitan na makikipagtulungan ang amahalaang Lungsod sa ginagawang imbestigasyon ng nasyunal na pamahalaan at kung anong reklamo ang maaaring kaharapin ng may-ari nito. Hinahanap na rin ang lalaking siyang nagpagawa ng pekeng Covid-19 test result.

Nagbabala naman si Mayor Oca hinggil sa ilegal na gawaing ito at hinimok ang mga mamamayan na isumbong sa kinauukulan ang mga ganitong gawain.

“Tayo ay nasa isang pandemya kung saan dapat ay magtulungan. Alang-alang sa kaligtasan at kapakanan ng lahat, nawa’y hindi tayo humantong sa ganitong mga gawain,” paalala ng alkalde.

“Kung nakararanas ng sintomas o na-expose sa taong nagpositibo sa Covid-19, maaaring tumawag sa ating hotline numbers na naka-post sa ating facebook page o makipag-ugnayan sa inyong health center upang kaagad na mabigyan ng angkop na atensyong medikal,” dagdag pa niya.

Leave a Reply

%d bloggers like this: