Sibakan sa Philhealth, tiniyak

Sibakan sa Philhealth, tiniyak

NANINIWALA si Senate Health Committee chairperson Bong Go na may ulong gugulong o may masisibak na opisyal sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) sa sandaling mapatunayang sangkot sa iregularidad.

Sinabi ni Go na sa ngayon ay may tiwala pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte kay Philhealth President Ricardo Morales subalit natitiyak niyang hindi magdadalawang isip ang Punong Ehekutibo na magtanggal ng mga opisyal sa sandaling mapatunayang may pananagutan.

Kasabay nito, kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na tatlo hanggang apat na testigo ang haharap sa kanilang pagdinig kaugnay sa mga iregularidad sa Philhealth.

Tiniyak ni Sotto na may mga ebidensyang ihaharap ang mga testigong dadalo sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole upang masigurong mananagot ang dapat managot sa mga alegasyon.

Kahapon ay inihain na nina Sotto at Senador Panfilo “Ping” Lacson ang Senate Resolution 475 para sa pagconvene ng Senate Committee as a Whole na didinig sa mga sinasabing katiwalian sa Philhealth.

Sa tantya ni Sotto, posibleng masimulan nila ang pagdinig sa usapin sa Biyernes subalit kung gipitin anya sa oras para sa imbitasyon sa mga dadalo ay maaari nila itong umpisahan sa Lunes, Agosto 3.

Nais ni Sotto na physically present sa Senado ang mga resource person na kanilang iimbitahan sa pagdinig.

Leave a Reply

%d bloggers like this: