Mga pulis na nangumpiska ng placards sa loob ng simbahan, dinipensahan

Mga pulis na nangumpiska ng placards sa loob ng simbahan, dinipensahan

DINIPENSAHAN ni Manila Police District Director, Police Brig. Gen. Rolando Miranda ang kanyang mga tauhan sa pagkumpiska ng mga placards sa ilang raliyista sa gitna ng misa sa Quiapo Church.

Sinabi ni Miranda na ang pagdadala lamang ng placards sa loob ng simbahan ng mga pinaniniwalaang miyembro ng Akbayan ay malinaw na may ibang motibo bukod sa pagdalo sa misa.

“Kung ang tao ay magsisimba, hindi dapat sila maglaladlad ng placard sa loob ng simbahan na anti-government… Dahil marami ding nagsisimba doon na maaabala at magtataka bakit may ganoon,” saad ni Miranda.

“Kung gusto nila magsimba, iniwan sana nila ‘yung mga placards nila sa labas… kahit ano sabihin nila, kung mali ‘yung ginawa ng pulis, mas mali ‘yung ginawa nilang magdala ng placard sa loob ng simbahan… Ang ginawa nila pinaglalabas nila ‘yung placard at the middle of the mass, siyempre ‘yung iba maaapektuhan din. Sinira nila ‘yung solemnity ng misa,” dagdag pa ng heneral.

Binigyang-diin pa ni Miranda na nasa 40 raliyista ang nasa likod na bahagi ng simbahan.

“‘Yung mga Akbayan na ‘yan, ‘yan ang ginawa nila kahapon. May pictures kami na naka-display ‘yung kanilang anti-government placards habang nasa loob ng simbahan. Simba ba talaga pinunta nila doon o iba?” tanong ni Miranda.

Ipinaliwanag din ng opisyal na ilang staff mismo ng simbahan ang nagpabatid sa mga pulis na may mga raliyista sa loob ng simbahan na may hawak na placard.

Dahil dito, napilitan ang mga pulis na kumilos at kinumpiska ang mga placard upang hindi na ito magdulot pa ng tensyon.

“Kung hinintay naming matapos ang misa, magtatakbuhan sila sa labas at doon sila magsisisigaw, mas magulo ‘yon. Pag-aarestuhin ko sila, maswerte sila hindi ko sila inaresto. Kung pinabayaan kong mag-escalate ‘yan, mas nakakahiya. Magkakaroon ng commotion,” dipensa pa nni Miranda.

Pinayuhan pa ng heneral ang mga raliyista na maghain na lamang ng reklamo laban sa mga pulis subalit nanindigan na wala silang ginawang paglabag sa batas.

Leave a Reply

%d bloggers like this: