Dagdag bayarin sa mga unibersidad, pinasisiyasat sa Senado

Dagdag bayarin sa mga unibersidad, pinasisiyasat sa Senado

HINILING ni Senador Imee Marcos sa Senado na siyasatin ang mga reklamo ng mga magulang at estudyante hinggil sa paniningil ng mga pribadong unibersidad sa Metro Manila sa mga bayaring hindi na akma sa distance learning.

Sinabi ni Marcos na hindi dapat malaki ang gastusin sa online classes at modular lesson kaysa face-to-face education bago ang COVID-19 pandemic.

“Hindi na kailangan pang pabayaran ang napakaraming mga miscellaneous fee sa mga pasilidad ng eskwelahan at serbisyo na hindi naman magagamit sa online classes,” giit ni Marcos.

Sa kanyang Senate Resolution 480, sinabi ni Marcos na kailangang aksyunan ng Commission on Higher Education ang mga reklamo bago magbukas ang mga klase sa huling bahagi ng Agosto.

Una nang idinulog sa tanggapan ni Marcos ang mga reklamo na may mga nakasingit na misccellaneous fee sa mga matrikulang babayaran ng mga estudyante sa mga eskwelahan para sa paggamit ng classroom-based internet, kuryente, laboratoryo, libraries, medical at mga dental clinic.

Sinabi ni Marcos na posibleng hindi na magamit ng karamihan sa mga estudyanteng 21 anyos pababa ang mga pasilidad ng mga eskwelahan alinsunod sa guidelines na itinakda noong Hunyo pa lamang ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na dapat silang manatili sa kanilang mga pamamahay sa panahon ng lahat ng lebel ng community quarantine.

“Hindi dapat magbulag-bulagan ang mga eskwelahan para lang kumita sa mga serbisyong hindi na nila maibibigay sa mga estudyante. Mas mababa na lang ang dapat bayaran sa mga eskwelahan ng mga magulang,” dagdag pa ni Marcos.

Leave a Reply

%d bloggers like this: