NCR, mananatili sa GCQ

NCR, mananatili sa GCQ

INANUNSYO ni Pangulong Rodrigo Duterte na mananatili sa General Community Quarantine ang Metro Manila hanggang August 15.

Ito ay sa kabila ng naunang babala na posibleng ibabalik sa Enhanced Community Quarantine ang National Capital Region kung aabot as 85,000 ang kaso ng Covic 19 sa pagtatapos ng Hulyo.

Mananatili rin sa GCQ ang mga lalawigan ng Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna at Rizal kasama na rin ang mga lungsod ng Zamboanga, Lapu-lapu at Mandaue at Cebu.

Inihayag naman ni Presidential Spokesman, Atty. Harry Roque ang ilang kondisyon sa pagpapanatili sa Metro Manila at Calabarzon sa GCQ.

Sinabi ni Roque na mahigpit na ipatutupad bilang minimum health standards sa dalawang rehiyon ang pagsusuot ng face shields bukod sa face mask at pagsunod sa iba pang health protocols tulad ng regular na paghuhugas ng kamay, paggamit ng alcohol o sanitizer at social distancing.

“Magkakaroon tayo ng massive targeted, intensified tracing, quarantine for close contacts of confirmed cases. Itataas natin ang bed allocation from 30% to 50% for public hospitals, 20% to 30% for private hospitals” pahayag pa ni Roque.

Idinagdag pa ni Roque na obligasyon ng mga lokal na pamahalaan ang pagsusumite ng report hinggil sa bilang ng mga Covid 19 cases, bilang ng isolation facility, kung ilan ang nasailalim sa close contact tracing at community isolation beds.

Obligasyon naman ng Regional task force units na i-monitor ang isolation, testing at treatment protocols.

“Malaking pagbabago ang mangyayari sa GCQ areas, lalo sa testing at contact tracing,” pagbibigay-diin pa ni Roque.

Ang nalalabing lugar sa bansa ay mananatili naman sa Modified General Community Quarantine sa susunod na 15 araw.

Una nang inirekomenda ng mga alkalde sa NCR na panatilihin ang GCQ sa rehiyon at ipatutupad na lamang ang localized lockdowns sa mga lugar na tumataas pa rin ang kaso ng Covid 19.

Leave a Reply

%d bloggers like this: