Plastic barrier sa mga pampublikong sasakyan, mas nakakahawa

Plastic barrier sa mga pampublikong sasakyan, mas nakakahawa

WALA umanong silbi at mas lalo lang makakahawa ang mga plastic barrier sa mga jeep at iba pang pampublikong sasakyan habang dapat itago na lamang ang mga rapid anti-body test kits dahil sa pagiging hindi epektibo ng mga ito.

Ito ang mga rekomendasyon ni Philippine College of Physicians president Mario Panaligan dahil sa mas malaki pa umano ang tsansa na makapaghawa ang plastic sheet barriers sa mga pampublikong sasakyan dahil sa madali itong mako-contaminate at maipapasa ang virus sa susunod na sasasakay.

Magiging mahirap rin umano sa isang tsuper ng sasakyan na palagiang i-disinfect ang mga ito lalo na at tuluy-tuloy naman ang biyahe at baba-sakay ng mga pasahero.

“Huwag na mag-plastic. Kung hahawak man sila (pasahero) sa mga handles, sa mga kailangan for support, then magdala sila ng alcohol, mag-hand cleaning na agad sila… and avoid touching their face,” ayon kay Panaligan.

Inirekomenda naman ng Healthcare Professions Alliance Against COVID-19 na itago na lamang ang mga rapid testkits dahil sa hindi naman umano ‘accurate’ o tama ang resulta nito. May abiso na umano ang World Health Organization (WHO) na sa 10 tao na may taglay na virus ay lima ang hindi nito mahahanap.

“Biro niyo, may ubo’t sipon at lagnat, tapos gagawan niyo ng antibody test, kalahati nun ay negative e di pauuwiin, papayagang magtrabaho, e di manghahawa. Tingin ng marami sa amin, kaya lumala ng ganito ay dahil sa antibody test na ‘yan,” ayon kay HPAAC spokesperson Dr. Antonio Dans.

Nanawagan si Dans sa mga pribadong kumpanya at mga lokal na pamahalaan na gumamit na lamang ng swab tests na matagal nang sinasabi ng Department of Health (DOH) na ‘gold standard’ sa COVID testing.

Leave a Reply

%d bloggers like this: