Eleazar: Backriding, pinapayagan pa rin sa MECQ

Eleazar: Backriding, pinapayagan pa rin sa MECQ

NILINAW ni Joint Task Force COVID Shield commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar na papayagan pa rin ang backriding sa motorsiklo sa mga lugar na isinailalim muli sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Gayunman, ito ay sa kondisyong ang angkas ay isang essential worker at ang biyahe ay dapat na work related.

Ipinaliwanag ni Eleazar na dahil sa limitadong public transportation sa MECQ areas, pinayagan na ng national task force ang back-riding sa authorized persons outside of residence o essential workers.

“Kagabi po nagkaroon ng pagpupulong ang national task force at ako po ay naimbitahan doon kasama ang mga city mayors at nagbigay po ng guideline ang NTF through Secretary Delfin Lorenzana and Secretary Eduardo Año na papayagan na po under MECQ ‘yun pong back-riding dahil nga suspended ang public transport only dito po sa mga, kung ang backride natin or itong ating pasahero o tinatawag nating angkas is an essential worker o APOR,” saad ni Eleazar.

Binigyang-diin ni Eleazar na kinakailangan pa ring may safety barriers ang motorsiklo bilang proteksyon sa driver at sa pasahero.

Hindi rin anya kinakailangang mag-asawa o naninirahan sa isang bahay ang magkaangkas.

“Ngayon siyempre andoon pa rin ‘yung barrier na required doon at saka pati ‘yung motorsiklo ay dapat po ay privately-owned, hindi siya for hire. ‘Yung travel na ‘yun dapat hindi siya inupahan,” diin ni Eleazar.

“Regardless kung APOR o di APOR ang maghahatid sa kaniya, puwede na rin po ‘yun. Icoconsider na rin po ‘yun,” dagdag pa nito.

Ipinaalala naman ni Eleazar na sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine, mananatili pa rin ang dating patakaran hinggil sa back-riding kung saan mag-asawa lamang o magka-partner na naninirahan sa isang bahay at mayroong barrier ang papayagan.

Leave a Reply

%d bloggers like this: