Imee sa DTI: Magpatupad ng price freeze

Imee sa DTI: Magpatupad ng price freeze

HINIMOK ni Senador Imee Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) na magpapatupad ng ‘price freeze’ sa mga pangunahing bilihin upang mapigilan ang mga mapagsamantalang negosyante sa panahon ng Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ.

Ayon kay Marcos, tiyak na sasamantalahin ng mga tiwaling negosyante ang 15 araw na MECQ na ibinalik ni Pangulong Rodrigo Duterte at itaas ng mga ito ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga merkado.

“Price freeze ang dapat na ipatupad ng DTI! Tiyak na sasamantalahin na naman kasi ng mga salbaheng negosyante ang sitwasyon at itataas nila ang kanilang mga paninda kahit naghihirap na ang mga kababayan natin,” pahayag ni Marcos.

Ayon kay Marcos, nauna nang idineklara ng DTI, Department of Agriculture (DA) at Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng isang joint memorandum ang pagpapatupad ng price freeze matapos isailalim ni Duterte ang bansa sa State of Public Health Emergency noong panahong umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

“Kahit 15 days lang ang MECQ, sasamantalahin pa rin ito ng mga salbaheng negosyante. At price freeze pa rin ang katapat nila, pero siyempre kailangan kumilos at magtrabaho ang mga taga-DTI para tingnan ang presyo ng mga basic commodities,” paliwanag ni Marcos.

Binigyan-diin ni Marcos na kailangang bantayan ang presyo ng manok, baboy, isda, mantika, noodles, bigas, de latang sardinas, tinapay at iba pang mahahalagang produkto na kalimitan ay binibili ng mahihirap na consumers o mamimili.

“Hirap na hirap na talaga sa buhay ang bawat pamilya dahil sa COVID, kaya dapat bantayan ang presyo ng mga basic commodities. Kailangang mapahinto ang mga negosyanteng ito at ipakulong ang mahuhuling nagtataas ng presyo ng kanilang paninda,” galit na pahayag ni Marcos.

Leave a Reply

%d bloggers like this: