Philhealth, wala nang pondo

Philhealth, wala nang pondo

KINUMPIRMA ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na posibleng hindi na sila makapagbigay ng benepisyo sa mga miyembro nito ang ahensya sa susunod na taon.

Sa pag-arangkada ng pagdinig ng Senate Committee of the Whole, inamin ni Philhealth Senior Vice President for Data Protection Office Nerissa Santiago na ang actuarial life ng ahensya ay isang taon na lamang.

Sa pagtatanong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, sinabi ni Santiago na sa kanilang pagtaya sa pagtatapos ng taon ay aabot na sa P90 bilyon ang kanilang losses at sa pagtatapos ng 2021 ay aabot na sa P147 bilyon.

Iginiit ni Santiago na kung hindi sila mabibigyan ng karagdagang subsidiya ng gobyerno ay posibleng hindi na kayanin pa ng Philhealth na magbigay pa ng mga benepisyo.

Dinikdik din ng mga senador ang mga opisyal ng Philhealth kaugnay sa sinasabing katiwalian at iregularidad sa kanilang tanggapan.

Kabilang na dito ang pagkwestyon ni Senador Panfilo Lacson sa sinasabing maanomalyang pagpapalabas ng advance na pondo para sa ilang medical facilities kabilang ang dialysis centers at mga maternity package sa ilalim ng Internal Reimbursement Mechanism na para sana sa Covid 19 treatment.

Ilan sa tinukoy ni Lacson ang pagpapalabas ng kabuuang P45.176 milyon sa B. Braun Avitum Philippines Free Standing Dialysis Center gayundin ang P226.38milyon na maternity package.

Nilinaw naman ng mga opisyal ng Philhealth na binigyan ng pondo kahit ang mga non-Covid 19 patients dahil nakasaad sa kanilang programa na lahat ng ospital na may pending claim ay dapat mabigyan.

Kinuwestyon naman ito ni Lacson kasabay ng pagsasabing ang Ospital ng Maynila ay mayroong reimbursement claim na P19.3 milyon noon pang Mayo dahil sa kanilang Covid patients subalit hindi pa rin narerelease.

“Magaling kayo, magaling talaga kayo mag-release ng pondo sa mga paborito nyo,” saad ni Lacson.

Sa panig naman ni Senador Francis Tolentino na nakatanggap sila ng impormasyon na ilang pagamutan partikular sa lalawigan ng Cebu ang idinedeklarang Covid 19 ang kanilang pasyente kahit wala itong kinalaman sa virus para lamang makasingil sa Philhealth.

Leave a Reply

%d bloggers like this: