Traffic enforcers ng Maynila, tagasita na ng mga pasaway

Traffic enforcers ng Maynila, tagasita na ng mga pasaway

MAGSISILBING tagasita ng mga pasaway ang 400 mga enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ngayong nasa MECQ na ang Maynila bilang mga COVID-19 safety marshalls na tutulong sa pagpapatupad ng mga health protocols.

Pinangunahan kahapon ng umaga ni Manila City Mayor Isko Moreno ang opisyal na pagtatalaga sa mga traffic enforcers sa kanilang bagong trabaho sa Kartilya ng Katipunan upang tumulong sa mga opisyal ng barangay at mga pulis na sumita sa mga pasaway at umalalay sa publiko.

“We will help our uniformed personnel in the PNP and the MPD. We will augment them for their effort to keep peace and order of the city,” ayon sa alkalde.

Ito ay makaraan na muling ipatupad kahapon ang ‘modified enhanced community quarantine (MECQ)’ sa Metro Manila matapos ang liham ng mga medical frontliners kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Kayong lahat ay sanay sa kalsada. Araw-araw na ginawa ng Diyos marami na kayong nakitang makukulit, marami na rin kayong experience sa pakikiusap sa mga tao. Alam ko ang sinasaway niyo lang ay driver, pero simula sa araw na ito, ang sasawayin niyo na ay taumbayan,” paalala ni Moreno sa mga COVID-19 safety marshals.

Ang naturang bilang ay kalahati umano ng puwersa ng MTPB. Ipatutupad nila ang mahigpit na pagpapasuot ng facemasks, physical distancing, at curfew sa mga barangay.

“Sasawayin natin ang mga hindi sumusunod sa batas, pero hindi natin kailangan maging mainitin ang ulo, hindi tayo kailangan maggagalit-galitan. Magagalit lang tayo kapag talagang may tiyak na kagaguhan, kawalanghiyaan, katalonggesan,” giit ni Moreno.

Habang umiiral naman ang MECQ, tuloy naman ang operasyon ng mga tricycle, e-trikes at pedicabs para maghatid ng mga pasahero. Nilinaw niya na kailangang isang pasahero lang ang laman ng isang tricycle at mahigpit na sumunod sa mga protocols.

Leave a Reply

%d bloggers like this: