DOH magbabahay-bahay

DOH magbabahay-bahay

SASAMANTALAHIN umano ng Department of Health (DOH) ang 15-araw na MECQ sa pagbabahay-bahay katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa mga piling barangay para tukuyin ang mga taong may sintomas ng coronavirus disease (COVID-19).

Bahagi ang “100% of households undergoing symptoms check” sa 10-point agenda na binuo ng pamahalaan habang nasa ilalim ng “modified enhanced community quarantine (MECQ)” ang Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bahagi ito ng muling kalibrasyon sa istratehiya nila na tinawag nilang ‘Coordinated Operations to Defeat Epidemic’ o ‘CODE strategy’.

Tukoy na umano nila ang mga barangay na gagawin nilang prayoridad sa Metro Manila at sa Calabarzon na iikutan nila sa loob ng dalawang linggo.

Bahagi rin ng 10-point target ang: paggamit ng RT-PCR swab tests; hindi na paggamit ng rapid test kits; paglalagay sa isolation sa mga COVID patients na naka-home quarantine ngunit hindi nakakasunod sa protocols; pagtukoy sa 37 indibidwal na nakasalamuha ng isang COVID-19 patient; at pagpapalakas pa sa ‘awareness’ sa pagsusuot ng facemasks, face shields at pagsunod sa physical distancing.

Kasama rin dito ang: 100% admission o referral sa mga isolation facilities; 100% admission sa mga pasyente na walang perang pampaospital; pagtukoy sa 100% mga clusters at isolation; at pagsusulong sa hindi pag-stigmatize o pagkatakot sa mga pasyente na nasa komunidad.

Inaasahan na sa loob ng 15 araw na MECQ ay magkakaroon ng mas mataas na kaalaman ang publiko at pagsunod sa minimum health standards habang mabibigyan ang mga mahihirap na komunidad ng mga face masks at face shields.

Leave a Reply

%d bloggers like this: