Gatchalian sa Meralco: Huwag abusuhin ang MECQ

Gatchalian sa Meralco: Huwag abusuhin ang MECQ

NAGBABALA muli si Senador Win Gatchalian sa Manila Electric Company (Meralco) at iba pang Distribution Utilities (DUs) laban sa posibleng panibagong mga insidente ng bill shocks ngayong naibalik sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila at ilan pang lalawigan.

Aminado ang senador na maaring hindi na naman makapagsagawa ng actual readings ang Meralco at posibleng humiling muli ng extension ng pagbabayad ang mga consumer ng kanilang monthly bills.

Matatandaang bumaha ang reklamo laban sa mga matataas na singil ng Meralco sa panahon ng lockdown.

Iginiit ni Gatchalian na hindi na kakayanin pa ng taumbayan ang panibagong bill shock sa kanilang electricity bills.

“Nagulantang na nga ang mga tao sa overestimation at underestimation ng Meralco sa nagdaang monthly bills, baka magkaproblema na naman sa computation ng darating nilang billing statement ngayong MECQ. Yung iba, dapat may refund pa,” giit ng chairman ng Senate Energy Committee.

Muli ring nanawagan ang senador sa Energy Regulatory Commission (ERC) na maagang kumilos upang maiwasan ang karagdagang problema sa panahon ng MECQ.

Dapat anyang agar na magpalabas ng mga kaukulang direktiba ang ERC at Department of Energy (DOE) kaugnay sa ipatutupad na protocol.

“Dapat natuto na tayo sa naging karanasan natin sa ilalim ng ECQ at MECQ noon. Ngayon pa lang dapat nailalagay na sa ayos ang ganitong mga bagay na posibleng pagmulan na naman ng anumang kalituhan sa bahagi ng mga consumer,” diin pa ni Gatchalian.

Leave a Reply

%d bloggers like this: