DOTR, dapat mamigay ng libreng face shield

DOTR, dapat mamigay ng libreng face shield

HINIMOK ni Senador Imee Marcos ang Department of Transportation (DOTr) na mamahagi ng face shield sa mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan.

Sinabi ni Marcos na dagdag-pasanin at gastos sa mga naghihikahos na mga Pinoy ang ‘mandatory requirement’ na face shield sa mga pasahero ng jeep, bus, tren at eroplano na ipatutupad simula sa August 15.

“Dagdag pahirap ito sa ating mga kababayan. Imbes na pambili ng noodles, mapupunta sa face shield. Hindi pa ba sapat ang physical distancing at pagsusuot ng face mask? Meron pang barrier,” galit na pahayag ni Marcos.

Pinagsabihan ni Marcos si DOTr Secretary Arthur Tugade na huwag biglain sa gastusin ang taumbayan dahil na rin sa kasalukuyang kalagayan ng mga manggagawa o empleyado at iba pang mananakay.

“Alam nating dagdag proteksyon ito sa ating mga kababayan, pero sana tingnan din natin ang kakayanan at kalagayan nila sa buhay. Hindi dapat mandatory, kung sino lang ang may kakayanan na makabili. Sagad na ang mga mahihirap nating mga kababayan, bakit hindi na lang ito ipamigay nang libre? ” dagdag pa ni Marcos.

Nanawagan naman si Marcos sa Department of Trade and Industry (DTI) na bantayan ang presyo ng face shield dahil malamang na biglang sumirit ang presyo nito sa merkado.

Naglalaro sa P30.00 hanggang P40.00 ang presyo ng face shield at napabalitang sumirit na ito sa halagang P60.00 hanggang P65.00 bawat piraso.

Leave a Reply

%d bloggers like this: