P5B, dagdag pondo sa pagpapauwi sa mga OFW

P5B, dagdag pondo sa pagpapauwi sa mga OFW

INAPRUBAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalabas ng dagdag na P5 bilyon para sa pagpapauwi at tulong sa mga Overseas Filipino Workers na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Kinumpirma ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang malaking bahagi ng dagdag na pondo ay ibibigay sa Workers Welfare Administration (OWWA) na namamahala sa repatriation ng mga OFW.

“Dahil po mahal na mahal ni Pangulong Duterte ang ating mga bagong bayani, ibinigay po nya ang kailangan nating dagdag na pondo para sa repatriation at tulong para sa ating mga OFW,” saad ni Bello.

Sinabi ni Bello na ang OWWA na ang gagastos sa COVID-19 tests ng mga OFW sa kanilang pagdating sa bansa, gayundin sa kanilang pagkain at accommodation sa hotel kung saan sila maghihintay ng resulta ng test at transportasyon pabalik sa kanilang mga lalawigan.

Sa tala, simula noong May 15, nasa 130,000 OFWs ang napauwi sa kani-kanilang mga lalawigan kung saan ang pinakahuling batch ay 1,185 Filipino migrant workers.

Magbibigay din ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng one-time P10,000 o $200 cash aid sa mga OFWs na apektado ng pandemic sa ilalim ng Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program.

Batay sa tala ang AKAP program ay may inisyal na pondo na P2.5 billion subalit inamin ni Bello na paubos na rin ito makaraang maayudahan ang may 233,000 land-based at sea-based workers.

Humiling na rin anya sila ng dagdag na P2.5 bilyong pondo para sa may 597,000 pang OFWs.

“I have directed our POLOs to accelerate the processing of the assistance so that a greater number of our OFWs will benefit soonest from the aid coming from our government,” dagdag ni Bello.

Leave a Reply

%d bloggers like this: