Pagbabayad ng Philhealth premium, itigil muna

Pagbabayad ng Philhealth premium, itigil muna

INIREKOMENDA ni Senador Imee Marcos na itigil muna ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang pagbabayad ng kontribusyon hangga’t hindi malinaw ang mga alegasyon ng katiwalian.

Sinabi ni Marcos na hindi makatarungang habang naghihirap ang mga miyembro sa pagbabayad ng kontribusyon ay may iilang tiwali na nagbubulsa ng pondo ng ahensya.

Kung ipagpapatuloy naman anya ang paniningil ng kontribusyon ay dapat na ilagay ito sa hiwalay na account at huwag isama sa kasalukuyang pondo ng Philhealth.

“Ang nakikita ko for the meantime, wag muna bayaran, kasi dagdag tayo ng dagdag eh napakalaki pala ng butas sa kaban. Stop muna ano ba ang sitwasyon ngayon. Hindi nga nagkakaigihan kung magkano talaga ang pera. Kung magbabayad man ng premium, ilagay sa ibang lugar, ayaw naman natin ipilit ang subsidy kasi baka maubos, pero wag muna natin ihalo sa pera ng Philhealth,” diin ni Marcos.’

Kasabay nito, iginiit ni Marcos na kung hindi na makakadalo ang mga opisyal ng Philhealth sa pagdinig sa Senado, dapat ay magsumite ang mga ito ng kanilang disposition hinggil sa mga pangyayari sa ahensya.

Partikular na tinukoy ni Marcos sina Philhealth President Ricardo Morales at External Vice President at Chief Operating Officer Arnel de Jesus na kapwa nagsumite ng medical certificate sa Senado.

Sa panig naman ni Senate Majority Leader Migz Zubiri, iginiit na dapat suspendihin muna ang lahat ng mga opisyal na isinasangkot sa mga iregularidad upang hindi nila maimpluwensyahan ang pagsisiyasat.

“Ang recommendation ko sa executive deparment, isuspend sila lahat kung ayaw sibakin, i-suspend man lang out of courtesy to all investigations including task force. But that doesnt excuse them from testifying,” giit ni Zubiri.

Leave a Reply

%d bloggers like this: