Dobleng SAP sa Pasay

Dobleng SAP sa Pasay

KAHIT na nalagpasan sa unang tranche, doble naman na Social Amelioration Program (SAP) ang tatanggapin ngayon na nasa 60,661 pamilya sa Pasay City na uumpisahang ipamahagi ngayong linggo ng Pamahalaang Lungsod ng Pasay at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ipamimigay ang dobleng SAP na nagkakahalaga ng P16,000 bawat pamilya sa pamamagitan ng financial institution na Universal Storefront Services Corporation na magseserbisyo sa 42,165 pamilya sa 112 barangay habang ang M Lhuiller naman ang mamimigay ng SAP sa nalalabing 18,466 na pamilya sa ibang barangay.

Inatasan naman ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga opisyal ng barangay na mahigpit na ipatupad ang mga quarantine protocols tulad ng physical distancing at pagsusuot ng facemask sa mga aktibidad ng pamamahagi ng SAP.

Isasagawa ng USSC ang ‘on-site distribution’ ng SAP sa Agosto 14 sa Brgys. 178 at 179; Agosto 15 at 16 sa Brgys. 183 at 184; at Agosto 17 sa Brgys. 177 at 194.

Ang mga benepisaryo na hindi residente ng naturang anim na barangay ay makatatanggap naman ng text message buhat sa Starpay na nagpapatakbo ng USSC ukol sa instruksyon sa pagkuha nila ng SAP.

Ang mga benepisaryo na nakakuha ng SAP sa first tranche ay kailangan munang maghintay ng opisyal na abiso kung kailan nila makukuha ang ikalawang tranche nila ng SAP.

Leave a Reply

%d bloggers like this: