Barangay 128 sa Caloocan, total lockdown

Barangay 128 sa Caloocan, total lockdown

ISINAILALIM ngayong Biyernes sa total lockdown ang buong Barangay 128 sa Caloocan City na tatagal hanggang sa Agosto 20 dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Nabatid na pirmahan ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang isang executive order na nagdedeklara ng total lockdown sa naturang barangay matapos makapagtala rito ng 24 na kaso ng COVID-19 kung saan 22 sa mga ito ay itinuturing pang active cases.

Sinabi ni Malapitan na isasabay sa total lockdown ang mass testing at malawakang contact tracing sa pangunguna ng Caloocan Health Department (CHD). Magsasagawa rin ng disinfection ang mga kawani ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) sa barangay sa buong panahon ng total lockdown.

“Katulad sa ibang barangay na isinailalim natin sa total lockdown, mahalaga ang kooperasyon ng mga residente upang maging epektibo ang Pamahalaang Lungsod sa pagganap nito sa kanilang tungkulin na makontrol ang pagkalat ng virus sa barangay,” ani Malapitan.

Nakatakda rin na magbigay ng food assistance ang Pamahalaang Lungsod sa mga residente na apektado ng lockdown.

Ayon naman kay Atty. Sikini Labastilla, pinuno ng Caloocan COVID-19 Command Center, kaagad na dadalhin sa mga isolation facilities ang mga magpopositibo sa isasagawang mass testing.

Leave a Reply

%d bloggers like this: