Sindikato ng scammer ng face shield, nambibiktima ng mga hoarders

Sindikato ng scammer ng face shield, nambibiktima ng mga hoarders

Babala sa mga seller, huwag mag-hoard ng face shields kung ayaw mabiktima ng mga kawatan.

Ito ay makaraang madakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang apat na hinihinalang miyembro ng isang sindikato na nakatangay ng P1.8 milyon sa isang negosyante na pinangakuhan nilang babagsakan ng panindang face shield, sa isang entrapment operation nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ang mga naaresto na sina Raymund Manzanares, 42; misis niyang si Vivien, 47; Krizia Allen Cay Mercurio, 32; at Christine Pitiquen, 33. Positibo silang kinilala ng kanilang biktima na si Vanessa Abajo, negosyante, nakatira sa Malasique, Pangasinan.

Unang dumulog sa MPD-Theft and Robbery Section si Abajo na nagreklamo laban sa apat na suspek ukol sa pagtangay ng aabot sa P1.8 milyong halaga sa kaniya. Isinalaysay niya na nakipagtransaksyon siya sa kanila para makabili ng suplay ng face shields na hindi naideliber sa kaniya.

Sinabi ni Abajo na nakilala niya sa Facebook ang isang nagpakilalang “Quim” na nangako na magsu-suplay sa kaniya ng 50,000 piraso ng Heng De face shield. Nasa P1.8 milyon ang ibinigay nilang pera sa mga suspek ngunit hindi nagawang maideliber ang mga face shields.

Apat na araw umano silang naghintay sa iosang hotel sa Sta. Ana, Maynila ngunit walang dumating na order.

Dito na hindi nakatiis ang biktima na nagpasyang humingi na ng saklolo sa MPD. Dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi nang madakip ng mga pulis ang apat na suspek na nanatiling tikom ang bibig.

Nananawagan naman si MPD Public Information Chief PCol Carlo Manuel sa publiko na mag-ingat sa naturang modus operandi. Hindi umano ito ang unang pagkakataon na may nagantso na dahil sa kagustuhang kumita sa face shield.

Leave a Reply

%d bloggers like this: