2K gamot sa COVID-19 binili ni Yorme Isko

2K gamot sa COVID-19 binili ni Yorme Isko

MAGANDANG balita sa mga taga-Maynila. Bumili na ng 2,000 vials ng remdesivir si Manila Mayor Isko Moreno para ipanggamot sa mga pasyente na nasa mild, moderate at severe cases ng COVID-19 sa lungsod.

Inihayag nina Moreno at ni Vice-mayor Honey Lacuna-Pangan ang paggastos ng Pamahalaang Lungsod ng P13 milyon na ipinambili ng naturang gamot. Nakatipid umano ang lungsod nang mabili nila ang kada piraso ng gamot sa halagang P6,500 lamang na higit na mababa sa orihinal na presyo nito na P20,000.

“Mapalad po tayo na nakuha lang natin ito nang P6,500. Gumastos po ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng P13 million. Pera niyo po iyon, P13 million na maaaring makapagligtas,” pahayag ni Moreno.

Sa pamamagitan nito, mapalalakas ng lokal na pamahalaan ang kanilang kampanya sa pagsugpo sa COVID-19 at makapagbigay ng mas maayos na serbisyong medikal sa mga taga-Maynila.

“Kung saka-sakali kakailanganin pa, bibili pa po tayo, mapangalagaan lang namin kayo, mapataas lang namin ang probabilidad na kapag kayo ay na-infect ng COVID-19, kayo ay mag-recover,” dagdag ng alkalde.

Ngunit nilinaw niya na hindi bakuna ang remdesivir na isang uri ng medikasyon para makapagligtas ng mga kasalukuyang pasyente na dumaranas ng COVID-19.

Una nang inihayag ni Moreno na naglaan na sila ng P200 milyong pondo para ipambili ng bakuna sa oras na may handa nang mabili buhat sa mga internasyunal na manufacturers.

Leave a Reply

%d bloggers like this: