Pagyo-yosi sa smoking area, solo-solo muna

Pagyo-yosi sa smoking area, solo-solo muna

MAGIGING isahan na lamang ang pagpunta sa mga smoking area ng mga smokers ng iba’t ibang establisimiyento na ipatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) para maiwasan na magkahawahan ng COVID-19.

Ito ay makaraan naman na ibasura ng IATF ang panukala na tuluyan nang ipagbawal ang paninigarilyo matapos na kontrahin ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa magiging malaking epekto sa ekonomiya.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na kung naaprubahan ito, malaki ang negatibong epekto nito sa kabuhayan ng mga umaasa sa industriya ng tabako at maging sa mga negosyo na mapipilitang magsara.

Ipinanukala ang pagbabawal sa paninigarilyo bilang bahagi ng pagkontrol sa pagkalat ng COVID-19 na maaaring sumasama sa usok ng sigarilyo na malalanghap ng iba bilang ‘second hand smoke’.

Ngunit ipinaliwanag ni Bello na kung isasagawa ito, mawawala ang nasa P145 bilyon na kita sa buwis ng pamahalaan sa industriya ng tabako habang nasa 2.5 milyong Pilipinong manggagawa umano ang maaapektuhan. Malaki rin umanoa ng ambag ng sigarilyo sa Universal Health Fund.

“If we ban smoking, those figures will be severely affected,” giit ni Bello.

Bilang alternatibong solusyon, pinapayagan pa rin ang paninigarilyo sa mga nakatalagang ‘smoking areas’ lamang at paisa-isa upang maiwasan ang second hand smoke.

Leave a Reply

%d bloggers like this: