Online system para sa mga batas, pinabubuo

Online system para sa mga batas, pinabubuo

ISINUSULONG ni Senador Lito Lapid ang isang online repository ng lahat ng batas at iba’t ibang patakaran at regulasyon sa bansa.

Sa kanyang Senate Bill 1751, isinusulong ni Lapid ang pagbuo ng National Legal Knowledge and Assistance System.

Sa panukala, ang Department of Justice (DOJ), katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang may mandato na bumuo at mangalaga sa naturang system at tiyaking accessibile sa buong bansa.

Ilagagay sa system ang mga tratado at international conventions na bahagi ang Pilipinas; common legal forms at pleadings; gayundin ang definition ng mga terminolohiya at maikling paliwagan sa mga legal matters sa simpleng English, Filipino at iba pang dayalekto.

“Sabi nga nila, hirap ang taong walang alam sa batas. Kaya para masiguro nating maibibigay ang karapatan ng bawat Pilipino na magkaroon ng sapat na kaalaman kaugnay sa mga batas at iba pang alituntunin na pinaiiral sa ating bansa, dapat na may bukas na panggagalingan ang mga datos na ito,” saad ni Lapid.

“Gamit ng Information and Communications Technology o ICT, maaabot ang lahat ng ating kababayan saan mang sulok ng bansa o mundo, para may mabilis silang pagkukunan ng mga impormasyon kaugnay sa mga usaping legal,” paliwanag pa ng senador.

Kailangan anyang i-translate sa Filipino at iba pang dayalekto ang laman ng system.

Bukod sa 1987 Constitution, dapat maging laman din ng system ang Revised Corporation Code, National Internal Revenue Code at Labor Code.

“Sa ngayon wala pang website na nagbibigay ng updated at libreng impormasyon kaugnay sa ating konstitusyon at mga usapang legal. Maging ang simpleng mga termino na maipaliwanag sana sa ating mga kababayan sa salitang naiintindihan nila ay malaking tulong para lahat tayo, kahit hindi abugado ay may alam sa ating mga karapatan at hindi tayo basta maloloko,” saad ni Lapid.

Nakasaad din sa panukala na bubuo ang DOJ ng partnership at kahalintulad na kasunduan sa government institutions tulad ng National Library, Presidential Museum and Library, Senate at House of Representatives Library, Supreme Court Library, Office of the National Administrative Register ng UP Law Center para sa digitalization.

Leave a Reply

%d bloggers like this: