Larry Gadon ‘di nakakatulong sa laban sa COVID-19

Larry Gadon ‘di nakakatulong sa laban sa COVID-19

PINAGSABIHAN ng Department of Health (DOH) ang kontrobersyal na talunang senatorial candidate na si Larry Gadon sa kaniyang pahayag kontra sa face mask na huwag maghasik ng kalituhan sa publiko.

“‘Yung mga ganitong statement is not helping us at all,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ukol sa pagdududa ni Gadon kung nakakatulong ba ang face mask para hindi mahawahan ng virus.

“This is not a joking matter (Hindi ito isang biro)”, giit pa ng DOH.

“Alam ng mga tao, lahat, may namamatay, may nagkakasakit. Nagsu-suffer ang economy. And the only way to go for us to fight this situation or to overcome the situation is lahat tayo magtulung-tulungan. So yung mga ganitong statements is not helping us at all,” madiin na pahayag ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang virtual conference kahapon.

Nag-aalala ngayon ang DOH na baka may mga susunod sa ginawa ni Gadon na idinikit ang face mask sa kaniyang face shield na ipinost niya sa social media. Umani naman ng batikos ang natalong senatorial candidate na kilala sa kaniyang pagtawag ng bobo sa ibang politiko at personalidad.

“Sana lahat ng tao naiintindihan nila kung ano po ang implikasyon kapag nagsasalita po sila sa public because people might be following them and this is not the right way to go. Magkakasakit po ang mga tao,” paalala ni Vergeire.

Iginiit ni Vergeire sa publiko na dapat sa mga mapagkakatiwalaang pinagkukunan ng tamang impormasyon lamang sila makinig at sumunod at hindi sa kung sino pa man.

May siyentipikong basehan umano ang pagsusuot ng face mask na kaya protektahan ang isang tao ng hanggang 85% habang ang pagsusuot naman nito kasabay ng face shield ay may proteksyon laban sa virus ng hanggang 99%.

Leave a Reply

%d bloggers like this: