COVID-19 naging mutant na

COVID-19 naging mutant na

UMABOT na rin sa Pilipinas ang mutant version ng COVID-19 makaraang matuklasan ito sa ilang pasyente sa Quezon City.

Pero wala umanong dapat pang ipangamba sa natukoy na mutasyon dahil sa hindi pa tiyak kung ito ang dahilan ng patuloy ng pagtaas ng kaso sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Ginawa ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang klaripikasyon makaraan na kumpirmahin ng Philippine Genome Center (PGC) na nakita ang G614 strain o tinatawag na “G variant’ ng SARS-CoV-2 virus sa maliit na sample sa nabanggit na lungsod.

Inamin ng opisyal na noon pang Marso inumpisahang pag-aralan ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang ‘genome sequencing’ ng virus.

“Pinag-aaralan ito hindi para makita ang variants but to understand paano nagpo-progress itong disease. They will be providing us with information kapag may mas kumpleto na silang detalye,” paliwanag ni Vergeire.

Sinabi naman ni PGC Executive Director Dr. Cynthia Saloma na hindi pa naman tiyak kung ang G614 variant ng virus ang pangunahing kumakalat sa Pilipinas dahil sa maliit na sample pa lamang ang kanilang napag-aaralan.

Ang naturang variant kasi ng COVID-19 ang natukoy sa Europa noong Marso at kumalat na ngayon sa iba’t ibang parte ng mundo at sinasabing mas nakakahawa. Ngunit sinabi ni Saloma na ang pagiging ‘infectious’ nito ay sa laboratory setting lamang at wala pang matibay na ebidensya na mas nakakahawa ito sa tao-sa-tao.

Leave a Reply

%d bloggers like this: